
Itinuturing ni Rafaela David, presidente ng Akbayan Citizens’ Action Party na tapos na ang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay dahil na rin sa sandamakmak na mga ebidensiyang iprinisinta sa 38 araw ng impeachment trial na nagpapakita ng katiwalian ng pangalawang pangulo.
Para kay David, guilty ang bise presidente sa lahat ng mga akusasyong ibinabato laban sa kanya.
Kabilang na rito ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman, mga transaksiyong pinansyal at mga ugnayang may kinalaman sa mga Chinese entity.
Kabilang sa mga inilatag na ebidensiya sa impeachment proceedings ang pagtataya ng isang forensic accountant na umaabot sa P817.87 milyon ang umano’y hindi idineklarang mga ari-arian at kita ni Duterte at ng kaniyang asawang si Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Binanggit din ng grupo ang mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na umano’y may kaugnayan sa mga transaksiyong nagkakahalaga ng P4.4 bilyon mula 2007 hanggang 2025, gayundin ang tinatayang P319 milyon na remittance mula China at Hong Kong na natanggap ng kumpanyang Cale88 Foods Corporation na iniuugnay kay Carpio.
Giit ng Akbayan, nagdudulot umano ang mga ito ng seryosong katanungan tungkol sa pinagmulan ng pondo, pananagutan at katapatan ng bise presidente sa bansa.
Kasama sa protesta ang mga kinatawan ng iba pang organisasyon, kabilang ang Clergy for Good Governance, Tindig Pilipinas, Mamamayang Liberal, August Twenty One Movement, Student Council Alliance of the Philippines, EveryWoman, Sentro Labor Center, at Akbayan Youth.










