
Isinagawa kahapon, ika-5 ng Mayo, 2026, ang isang mahalagang committee hearing ng Sangguniang Panlungsod upang suriin ang serye ng mga iminumungkahing ordinansa mula sa Barangay Pogo, Alaminos, City.
Mabusising tinalakay ang tatlong pangunahing resolusyon na naglalayong palakasin ang disiplina, kaligtasan, at katahimikan sa nasabing lokalidad. Ang hakbang na ito ay bahagi ng mandato ng konseho na tiyaking ang mga panuntunan sa antas ng barangay ay naaayon sa mga umiiral na batas ng lungsod at bansa bago ang pinal na pagpapatibay sa mga ito.
Kabilang sa mga tinalakay ay ang Proposed Resolution No. 2026-074 na nagtatakda ng curfew hours para sa mga minorya bilang proteksyon sa mga kabataan at pag-iwas sa krimen sa gabi. Kasabay nito, sinuri rin ang Proposed Resolution No. 2026-075 na mahigpit na nagbabawal sa paggala ng anumang uri ng hayop sa mga pampublikong lugar upang mapanatili ang kalinisan at maiwasan ang mga aksidente sa daan. Layon ng nasabing ordinansa na papanagutin ang mga may-ari ng hayop sa pamamagitan ng pagpapataw ng kaukulang parusa sa sinumang lalabag sa mga itinakdang probisyon.
Bukod sa seguridad at mga ligaw na hayop, binigyang-pansin din sa pagdinig ang Proposed Resolution No. 2026-076 na nakatuon sa pagsugpo ng mga public nuisance o mga gawaing nakakaabala sa kapayapaan at kaayusan ng komunidad. Ang panukalang ito ay naglalayong magtakda ng mga kaparusahan sa anumang ingay o gulo na sumisira sa katahimikan ng mga residente.
Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, patuloy na ipinapakita ng Sangguniang Panlungsod ang dedikasyon nito sa pagbuo ng mga polisiya na maghahatid ng mas disiplinado at maunlad na pamumuhay para sa bawat residente ng Alaminos. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







