Monday, September 14, 2026

DA, ipinatigil ang exportation ng ube

COURTESY: lanlewks

Sinuspinde ng Department of Agriculture (DA) ang pag-export ng sariwang ube o purple yam sa ibang bansa para matiyak muna ang sapat na suplay ng planting materials at mapalakas ang lokal na produksyon.

Ayon sa DA, ipinatupad ng Bureau of Plant Industry ang suspensyon noong kalagitnaan ng Agosto na sakop ang sariwang ube at planting materials.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na malaki pa ang kakulangan ng bansa sa planting materials at nais din nilang maiwasang mailabas ang mga Philippine ube variety na posibleng paramihin at gamitin ng ibang bansa upang makipagkumpitensya sa Pilipinas.

Kasabay nito, patuloy namang tumataas ang demand sa ube at mga produktong gaya ng powder, halaya, jam at paste sa Canada, Middle East at ilang bahagi ng Asya.

Nagsasagawa rin ang DA at UP Los Baños ng genetic mapping ng mga lokal na variety ng ube upang maprotektahan ang mga ito laban sa biopiracy.

Giit ng DA, palalakasin muna ang suplay at produksyon ng ube sa bansa bago higit pang palawakin ang pag-export nito sa international market.

Facebook Comments