
Tiwala ang Department of Agriculture (DA) na magsisimula ng bumaba ang presyo ng galunggong ngayong tapos na ang fishing ban sa karagatang sakop ng Palawan.
Ayon kay Agriculture Spokesman Asec. Arnel de Mesa, sa sandaling dumating na ang mga huling isda mula sa Palawan ay tiyak bababa ang presyo ng isdang galunggong.
Paliwanag pa ni De Mesa na karamihan ng suplay ng galunggong na ibinabagsak sa Metro Manila ay galing Palawan na sakop ng fishing ban.
Matatandaan na ipinatupad ang fishing ban mula November 01, 2024 na natapos nuong Sabado February 01, 2025.
Base sa pag-aaral, umaabot sa 8,146 metriko tonelada ang nahuhuling galunggong sa Palawan kung saan malaki rin umano ang naitutulong ng mga ipinatutupad na fishing ban sa bansa sa pagtaas ng bilang ng nahuhuling isda.
Sa talaan naman ng Philippine Statistic Authority (PSA), tumaas ang presyo ng galunggong nuong ikalawang bahagi ng Enero 2025.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 340 pesos kada kilo ang presyo ng lokal na galunggong habang nasa 320 pesos naman ang imported na galunggong.
Gayunman, hindi pa masabi ng DA kung magkano ang ibababa ng presyo ng isda sa merkado.