Mas pinaigting ang kampanya sa kahalagahan ng pagbabakuna sa Sta. Barbara sa isinagawang aktibidad ng Ilocos Center for Health Development, katuwang ang iba’t ibang ahensya, bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Immunization Week.
Pinangunahan ng Health Promotion Unit ang People-Centered Activity na may temang “Bakunado, Protektado” sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Sta. Barbara, Municipal Health Office (MHO), at Provincial Department of Health Office (PDOHO) Pangasinan.
Naging tampok sa programa ang Bakuna Jingle Contest at Poster Making Contest kung saan ipinakita ng mga kalahok ang kanilang talento sa musika at sining upang maiparating ang mahahalagang mensahe ukol sa immunization.
Sa pamamagitan ng mga malikhaing presentasyon, binigyang-diin ng mga kalahok ang papel ng bakuna sa pag-iwas sa sakit at sa pagpapanatiling ligtas ng komunidad.
Ipinakita rin nito ang kahalagahan ng sapat na kaalaman at maagap na pagkilos upang maprotektahan ang sarili at ang iba.
Patuloy naman ang panawagan ng Department of Health sa publiko na suportahan ang mga programa ng pamahalaan kaugnay ng immunization, bilang bahagi ng layuning mapanatiling malusog at ligtas ang bawat Pilipino. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







