DALAWANG LALAKING SANGKOT SA ILEGAL NA PAGTOTROSO, PINAGHAHANAP NG KAPULISAN

CAUAYAN CITY – Pinaghahanap ngayon ng PNP Baggao ang dalawang lalaki matapos tumakas sa isinagawang anti-illegal logging operation sa tabing ilog sa Brgy. Asassi, Baggao, Cagayan.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Ed” at alyas “Ward”, nasa wastong gulang, at residente ng Brgy. Bitag Grande sa nabanggit na bayan.

Sa ulat ng pulisya, isang tawag ang kanilang natanggap ukol sa mga nagkalat na troso sa tabing ilog kaya naman nagsagawa sila ng operasyon, subalit bago pa paman makarating sa lugar ay nakatakas na ang mga suspek.

Nakuha naman mula sa lugar ang 25 piraso ng pinutol na Gmelina tree at tinatayang aabot sa 670 board feet ang kabuuang sukat ng mga narekober na kahoy at nagkakahalaga ng P26,800.

Sa ngayon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng awtoridad upang mahuli na ang mga suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa PD 705 o Forestry Reform Code of the Philippines.

Facebook Comments