Monday, June 8, 2026

PCG, mas pinaigting pa ang pagmo-monitor kasunod ng tsunami warning ng PHIVOLCS

Mas lalo pang pinaigting ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang pagmomonitor at paghahanda matapos ang inilabas na tsunami warning ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ito’y makaraang tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani ngayong araw.

Kaugnay nito, inatasan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng Coast Guard Districts, Stations, at Sub-Stations na magpatupad ng mga hakbang o paghahanda hinggil sa inilabas na abiso ng PHIVOLCS.

Ipinag-utos pa ni Gavan sa mga tauhan na ipaabot ang nasabing tsunami warnings sa coastal communities na posibleng tamaan o maapektuhan nito, kasabay ng mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Sinabi naman ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na agad nilang idineploy ang mga tauhan para tumulong sakaling ilikas ang mga residente, kung saan inabisuhan din nila ang mga mangingisda na magdoble-ingat.

Ilan sa mga residente na inabisuhan hinggil sa tsunami warning ay sa mga coastal areas ng Sarangani, Davao Occidental, Tawi-Tawi, Sulu, Basilan, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Sultan Kudarat, at South Cotabato.

Facebook Comments