DALAWANG MENOR DE EDAD AT ISANG NASA HUSTONG GULANG, HULI SA AKTONG PAGNANAKAW NG MGA KABLE NG KURYENTE SA DAGUPAN CITY

Timbog ang tatlong indibidwal, kabilang ang dalawang menor de edad, matapos mahuling aktong nagnanakaw umano ng mga electrical wire sa loob ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Compound sa Sitio Russia, Barangay Bonuan Binloc, Dagupan City, gabi ng Hunyo 28, 2026.

Ayon sa ulat ng Police Station 6 (Bonuan) ng Dagupan City Police Office (DCPO), napansin umano ang kahina-hinalang kilos ng mga suspek habang nagpapatrolya ang mga security guard, alas-10 ng gabi.

Nang inspeksyunin, nakuhanan umano ang mga ito ng tatlong rolyo ng electrical wire, pliers, at isang patalim.

Agad na inulat ang insidente sa Police Station 6 kung saan hinuli ang tatlong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang imbestigasyon.

Nahaharap sa kasong kriminal ang nasa hustong gulang na suspek habang ipinagkatiwala ang dalawang menor de edad sa City Social Welfare and Development (CSWD) Office para sa kaukulang dokumentasyon, counseling, at legal na disposisyon alinsunod sa umiiral na batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments