STA. BARBARA, IKATLONG LUGAR SA PANGASINAN NA NAGDEKLARA NG STATE OF CALAMITY

Umakyat na sa tatlo ang bilang ng mga lugar sa Pangasinan na nagdeklara ng State of Calamity dahil sa malawakang pagbaha at epekto ng Habagat at mga nagdaang bagyo.

Pinakahuling nagdeklara ang Sta. Barbara, Pangasinan, kasunod ng Dagupan City at isa pang LGU sa lalawigan na naunang isinailalim sa State of Calamity dahil din sa epekto ng masamang panahon.

Sa Sta. Barbara, opisyal na pinagtibay ang deklarasyon sa pamamagitan ng Sangguniang Bayan Resolution No. 2026-245, Series of 2026, na nagkakaisang inaprubahan noong Agosto 12.

Batay sa datos ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, 5,061 pamilya mula sa 15 barangay ang naapektuhan ng patuloy na pag-ulan at pagbaha.

Hindi lamang mga kabahayan ang naapektuhan. Naitala rin ang epekto sa kabuhayan, pananim, ari-arian at imprastraktura sa bayan bunsod ng matagal na pag-ulan na dala ng Habagat at epekto ng mga nagdaang Tropical Cyclones Maymay at Luis.

Bago ang deklarasyon, nagpulong ang Local Disaster Risk Reduction and Management Council at nagpasa ng LDRRMC Resolution No. 2026-11, na nagrekomenda ng pagdedeklara ng State of Calamity.

Sa ilalim nito, maaari nang gamitin ng lokal na pamahalaan ang mga naaangkop na disaster funds para sa agarang relief operations, rehabilitasyon at recovery efforts. Maaari ring mapadali ang pagbibigay ng calamity assistance sa mga kwalipikadong residenteng naapektuhan.

Sa ngayon, tatlong LGU na sa Pangasinan ang nagdeklara ng State of Calamity kabilang ang Dagupan City at Mangaldan, habang patuloy na bumabangon ang ilang komunidad mula sa epekto ng malawakang pagbaha. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments