
Dalawang hinihinalang sangkot sa illegal na droga ang naaresto ng mga awtoridad sa magkahiwalay na buy-bust operation sa bayan ng Calasiao at Sta. Barbara, na nagresulta sa pagkakasamsam ng kabuuang 5.28 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang ₱35,904.
Unang isinagawa ang operasyon ng Calasiao Municipal Police Station (MPS) sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Region 1 noong Hulyo 14, 2026 sa Calasiao, Pangasinan.
Naaresto rito ang isang 55-anyos na lalaking residente ng nasabing bayan.
Narekober mula sa suspek ang 2.28 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price (SDP) na ₱15,504, na nakalagay sa dalawang heat-sealed transparent plastic sachet para sa umano’y bentahan at pag-iingat.
Kasama ring nakuha ang non-drug evidence ang ilang personal na gamit, motorized tricycle, at mga perang ginamit.
Samantala, sa ikalawang operasyon na isinagawa ng Sta. Barbara Police Station noong Hulyo 15, 2026, isang 23-anyos na lalaking trucking helper at residente ng Sta. Barbara ang naaresto.
Nakuha mula sa kanya ang 3 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱20,400, na nakalagay sa isang heat-sealed transparent plastic sachet, gayundin ang perang ginamit sa operasyon.
Ang dalawang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang kaso para sa paglabag sa umiiral na batas laban sa ilegal na droga. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










