21 WANTED PERSON, NASAKOTE NG PANGASINAN PPO SA MGA OPERASYON KONTRA KRIMEN

‎Umabot sa 21 wanted persons ang naaresto ng Pangasinan Police Provincial Office (Pang PPO) sa magkakahiwalay na operasyon mula August 10 hanggang 16, 2026, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa krimen sa lalawigan.


‎Ayon sa Pang PPO, kabilang sa mga naaresto ang dalawang Most Wanted Persons (MWP) at 19 iba pang wanted persons na may kinakaharap na mga kaso at umiiral na warrant of arrest.


‎Bukod sa kampanya laban sa mga wanted person, nagsagawa rin ang Pang PPO ng serye ng operasyon kontra ilegal na droga, pagsusugal, smuggling, carnapping at loose firearms.


‎Sa anti-illegal drug operations, 16 na katao ang naaresto sa 13 operasyon, habang nakumpiska ang 67.09 gramo ng hinihinalang shabu at 0.5 gramo ng tuyong marijuana na may kabuuang standard drug price na tinatayang ₱456,272.


‎Anim naman ang naaresto sa apat na operasyon kontra ilegal na pagsusugal, habang ₱8,835 ang nakumpiska. Samantala, 20 anti-smuggling operations ang isinagawa na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga kontrabandong tinatayang nagkakahalaga ng ₱109,257.


‎Sa kampanya kontra carnapping, apat na katao ang naaresto sa dalawang operasyon, habang mga kagamitan at sasakyang nagkakahalaga ng tinatayang ₱3.01 milyon, kabilang ang isang truck, ang nakumpiska.


‎Isang indibidwal din ang naaresto at isang baril ang nakumpiska sa isinagawang operasyon kontra loose firearms.


‎Hinimok naman ng kapulisan ang publiko na patuloy na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon hinggil sa mga indibidwal o aktibidad na lumalabag sa batas upang makatulong sa pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa lalawigan.
| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments