DALAWANG WANTED PERSON, ARESTADO SA MAGKAHIWALAY NA OPERASYON SA DAGUPAN

Dalawang indibidwal na kapwa may nakabinbing warrant of arrest ang naaresto ng Dagupan City Police Office (DCPO) sa magkahiwalay na operasyon noong Hunyo 29, 2026.

Unang naaresto sa Barangay Bolosan ang isang 24 anyos na telecom rigger assistant na residente Sta. Barbara, Pangasinan. Isinagawa ang operasyon ng Police Station 3, katuwang ang City Intelligence Unit (CIU) at City Investigation and Detection Management Unit (CIDMU).

Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kasong Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code. Inirekomenda ng korte ang piyansang nagkakahalaga ng ₱108,000 para sa pansamantala nitong kalayaan.

Samantala, naaresto rin sa Barangay Bonuan Boquig ang isang 53 anyos na welder na residente ng naturang barangay. Pinangunahan ng City Mobile Force Company (CMFC), kasama ang Police Station 6, CIU at CIDMU, ang operasyon laban sa suspek.

Nahaharap ang ikalawang suspek sa kasong paglabag sa Section 5(I) kaugnay ng Section 6(F) ng Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act. Ayon sa korte, maaari siyang makapagpiyansa ng ₱72,000.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Dagupan City Custodial Facility ang dalawang naarestong indibidwal habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at iba pang legal na proseso. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments