
Nahaharap sa kasong katiwalian at pag-abuso sa kapangyarihan sa Office of the Ombudsman si dating Malabon Mayor Antolin Oreta III dahil sa nawawalang 42 unit ng e-trike na umaabot sa halagang P22.4 milyon.
Ang dating alkalde ay ipinagharap sa Ombudsman ng kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o Corrupt practices of public officers.
Ang kaso ay nag-ugat sa sumbong ng isang tricycle driver na hindi naipamahagi nang tama ang 175 E-trike na bigay ng Department of Energy (DOE) sa lungsod noong 2019.
Batay sa reklamo sa Ombudsman ng tricycle driver na si Romeo R. Dimaunahan ng Barangay Longos, Dagat-dagatan, Malabon City na sa 175 units ng e-trike ay hindi malinaw kung saan napunta ang 42 unit.
Base sa dokumento mula sa General Services Department (GSD), sa orihinal na bilang ng e-trike ay 125 units ang dapat mapunta sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) habang ang 50 unit ay gagamitin sa “Tricycle Tours” ng Malabon Tourism Office.
Pero nang silipin ang records, 133 units lamang ang nabigyan ng tamang papeles at hindi na mahanap ang 42 pang unit ng e-trike.
Bagama’t nakasaad sa City Resolution No. 92-2019 na may awtoridad si Oreta na pumirma sa kasunduan para sa e-trike beneficiaries ay hindi ito ang lumagda kundi ang Chairperson ng e-trike Fleet Management Committee na si Estelito Peniano Jr.
Batay pa sa reklamo, bawat e-trike ay nagkakahalaga ng P533,000.00 kaya umaabot sa P22.4-M ang nawawalang 42 unit.
Wala pang tugon dito sa Oreta sa reklamong inihain sa kanya ng isang tricycle driver sa Ombudsman.