
Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na magkakaroon sila ng sariling operations center para sa 2025 midterm elections.
Sa pahayag ni Chairman George Erwin Garcia sa pagsasagawa ng technical walkthrough sa Ayala Circuit sa Makati City, mismong sa Chairman’s Hall sa Palacio del Gobernador nila ilalagay ang operation center ng Comelec.
Aniya, ito’y para ma-monitor ng Comelec ang mga kaganapan at update lalo na sa mga araw ng botohan.
Ang operation center ay bukod pa sa mga data center kung saan pagdadalhan o ire-record ang mga boto.
Sinabi ni Garcia na sa oras na magsimula na ang botohan ay wala nang makalalapit sa servers na nasa tatlong data center para maiwasan ang pagdududa sa magiging resulta ng halalan.
Bukod kay Garcia, kasama sa aktibidad ang iba pang miyembro ng Commission En Banc at Senior Officials ng Comelec.
Ilan naman sa mga inimbitahan para mag-obserba sa walkthrough at ipaliwanag ang proseso ay mga kinatawan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), at Legal Network for Truthful Elections (LENTE) kabilang ang mga Dominant Majority Party, Dominant Minority Party at mga media entity.