Dating Pangulong Duterte, tinawag na “sinungaling” ni PBBM dahil sa mga alegasyon nito sa 2025 national budget

Tahasang tinawag na “sinungaling” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kaniyang mga alegasyon sa usapin ng 2025 national budget.

Sa ambush interview sa Taguig City, iginiit ng Pangulo na batid aniya ni Duterte bilang dating Pangulo na hindi pwedeng magpasa ng General Appropriations Act nang may blangkong items.

Alam din daw nito na hindi pa nangyari ang ganitong insidente sa kasaysayan ng Pilipinas kaya naman paulit-ulit na sinabi ng Pangulo na nagsisinungaling lamang si Duterte.


Ayon pa kay PBBM, malinaw na nakasaad sa 2025 budget ang bawat programa at proyekto at kung magkano ang alokasyon sa mga ito.

Tulad din ng naunang pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin, sinabi ng Pangulo na may kopya naman ng GAA sa website ng DBM at pwedeng hanapin at tingnan doon kung totoo ang mga sinasabi ng kampo ni Duterte na may mga blankong parte sa budget.

Nauna na ring sinabi ng Malacañang na ang ganitong alegasyon mula sa isang dating presidente pa man din ng bansa ay malisyoso at marapat lang na kondenahin bilang isang kriminal na pahayag o aksyon dahil ito ay walang katotohanan.

Facebook Comments