
Kinumpirma ng Office of the Ombudsman na pinagsusumite na nila ng counter-affidavit sina dating House Speaker Martin Romualdez at iba pang idinadawit sa mga maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Asisstant Ombudsman Mico Clavano, binigyan ang mga ito ng 15 araw mula nang matanggap ang kautusan para maghain ng kanilang kontra salaysay.
Sakali namang maisumite na ng lahat ng panig ang kanilang mga sagot ay saka sila maglalabas ng resolusyon.
Sinabi ito ng Ombudsman isang araw matapos banggitin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na kakasuhan na si Romualdez na kaniyang pinsan.
Ayon naman sa Ombudsman, kinikilala nila ang naging pahayag ng Pangulong Marcos Jr. at nagpasalamat din sila pagbibigay ng kalayaan sa kanilang tanggapan na magampanan ang mandato sa ilalim ng Konstitusyon at sundan ang ebidensya saanman ito humantong.
Ito rin daw ang tamang paraan ng pagpapanagot sa mga sangkot kung saan walang hinihingi at ibinibigay na pabor.










