Thursday, September 10, 2026

Kasong libel at cyberlibel laban kina Hontiveros, De Lima, at Cendaña, inihain ng kampo ni Quiboloy

Pormal nang inihain ng kampo ni KOJC Leader Apollo Quiboloy ang multiple counts ng kasong libel at cyberlibel laban kina Senator Risa Hontiveros, Representative Leila de Lima, at Akbayan Rep. Perci Cendaña sa Pasig City Prosecutor’s Office, ngayong araw, September 10.

Ayon sa legal counsel na si Atty. Ferdinand Topacio, nag-ugat ang kaso sa mga ‘di umano’y paninirang-puri at hayag na pag-aakusa ng mga mambabatas matapos lumabas ang balita tungkol sa extradition proceedings laban kay Quiboloy.

Kabilang na rito ang pagtawag sa lider na sex trafficker at pag-uugnay nito sa pang-aabuso ng mga menor-de-edad kahit subjudice at wala pang hatol ang korte.

Inihayag ng kaniyang legal team na dapat igalang ang presumption of innocence ng kanilang lider dahil wala pa namang pormal na summons mula sa trial court at pinal na sentensya laban sa kasong human trafficking ni Quiboloy.

Iginiit rin ni Atty. Topacio na hindi distraction ang paghahain ng kanilang kampo ng kasong libelo dahil nauna rin na itong ginawa ni Sen. Risa Hontiveros sa kanila ngunit na-dismiss lamang ang isinampang kaso.

Ang pagfa-file rin umano ng libel case ay karapatan ng isang mamamayan na sa palagay niya ay nasira at nadungisan ang kaniyang pangalan.

Facebook Comments