Friday, October 23, 2026

DICT Usec. Almirol, itinangging may conflict of interest; makikipagtulungan sa Ombudsman

Mariing itinanggi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary David Almirol Jr., na nagkaroon siya ng conflict of interest kaugnay ng kasong kinakaharap sa Office of the Ombudsman.

Ito ay matapos siyang patawan ng anim na buwang preventive suspension dahil sa umano’y conflict of interest sa walong kontrata ng DICT na nagkakahalaga ng ₱1.55 bilyong.

Sa kaniyang Facebook post, iginiit ni Almirol na September 1, 2022 pa lamang ay tuluyan na niyang isinuko ang kaniyang interes sa kumpanyang Multisys, matapos maupo sa puwesto noong Agosto 4 ng parehong taon.

Aniya, nasunod niya ang 60-day divestment requirement at wala na sa kaniyang kontrol ang pagkaantala sa paghahain ng General Information Sheet (GIS).

Nilinaw din ng opisyal na walang kontratang direktang iginawad ang DICT sa Multisys.

Sa halip, ang mga kuwestiyonadong kontrata ay napunta umano sa mga kumpanya ng PLDT Group sa pamamagitan ng competitive bidding at proseso ng Bids and Awards Committee.

Sinabi naman ni Almirol na iginagalang niya ang mandato ng Ombudsman at handa siyang sumunod sa kautusan nito at makipagtulungan sa imbestigasyon.

Nanindigan din siyang malinis ang kaniyang record sa serbisyo publiko at umaasang lilitaw ang buong katotohanan sa kaso.

Facebook Comments