Kinumpirma ni Foreign Affairs Spokesperson, Amb. Teresita Daza na kinumpirma ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi UAE na nagtungo doon sina Atty. Herminio “Harry” Roque Jr. at maybahay nitong si Mylah R. Roque.
Ayon kay Daza, personal na nagtungo sa embahada ang mag-asawang Roque nitong November 29 para mag-avail ng consular services partikular ang notarial services.
Nilinaw naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi na kailangan ng appointment para sa naturang mga serbisyo.
Kinumpirma rin ni Daza na nagprisinta ng valid passports ang mag-asawang Roque para sa kanilang ligal na pananatili sa UAE.
Aniya, binigay naman ng embahada ang consular services na kailangan nina Roque para sa kanilang mga dokumentong gagamitin sa Pilipinas.
Una nang kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na nagsumite na ng counter-affidavit si Roque at kanya itong pinanumpaan sa Philippine Embassy sa Abu Dhabi.