
Na-rescue ng mga operatiba ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang Chinese national na dating Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) worker matapos ang halos anim na araw na pagkakabihag ng tatlong suspek.
Sa ulat na nakarating kay AKG Director Col. Elmer Ragay, February 12 nang dukutin ang biktima matapos pangakuan ng trabaho, ngunit sa halip ay ikinulong siya ng mga suspek habang hinihintay ang ransom payment na $300,000.
February 13 nang dumulog ang kinakasama ng biktima sa AKG matapos makatanggap ng mensahe mula sa Telegram account ng biktima na humihingi ng naturang halaga bilang kapalit ng kanyang paglaya.
Sa follow-up operation ng AKG at Malabon Police, matagumpay na nailigtas ang biktima sa Brgy. Potrero, Malabon City kung saan arestado rin ang tatlong suspek.
Sa ngayon, inihahanda na ng PNP-AKG ang mga kasong isasampa laban sa mga naarestong suspek.