
Bugbog ang inabot ng isang lalaki matapos na magtangkangang mang-kidnap umano ng dalawang bata, pawang grade 4 at grade 5, sa harap mismo ng isang paaralan sa Maypajo, Lungsod ng Caloocan.
Ayon sa salaysay ng Barangay 35, dumu-duty ang isa sa kanilang tanod nang makita nito na pilit na hinihila ang batang babaeng biktima.
Agad nitong pinuntahan at tinanong ang biktima kung ama nito ang suspek at mariing tumanggi ang bata kaya agad na hinatak ito mula sa suspek.
Naalarma umano ang taumbayan dahilan para kuyugin ito.
Napag-alaman naman na ang suspek ay naninirahan sa Sta. Ana, Maynila, at hindi sa nasabing lugar.
Dahilan ng suspek, na-miss umano nito ang kaniyang mga anak kaya nagawa ang nasabing krimen.
Sa ngayon, nananatili ang suspek sa kustodiya ng Caloocan City Police Station habang isasailalim sa inquest ngayong araw kung saan maaring maharap ito sa kasong attempted kidnapping.