
Pinatitiyak ni Camarines Sur 2nd district Rep. LRay Villafuerte na maibibigay ang mga diswento para sa mga persons with disability (PWD) na itinatakda ng batas kahit pa hindi beripikado kung totoo o peke ang kanilang PWD identification cards.
Giit ito ni Villafuerte sa mga lokal na pamahalaan at mga establisyemento sa harap ng pagkalat ng mga pekeng PWD ID kung saan ilang indibidwal ang naaresto sa Maynila kamakailan na gumagawa nito.
Tinukoy ni Villafuerte na base sa inilabas na legal opinion ng Department of Justice (DOJ) ay hindi maaring pagkaitan ng 20 percent discount ang mga PWD bukod sa 12% VAT-free privileges dahil lang sa pagdududa sa authenticity ng PWD ID card nito.
Binanggit ni Villafuerte ang paliwanag ni DOJ Undersecretary and Officer-in-Charge Raul Vasquez na hindi sinasabi sa “Act Expanding the Benefits and Privileges of PWDs” at sa Implementing Rules and Regulations (IRR) nito na kailangan munang ibirepeka ang PWD ID bago magbigay ng diskwento.