
Ikinagalak ng pamunuan ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), at Quezon City Local Government Unit (LGU) ang ginawang pagtalima ng mga tindero at tindera ng Commonwealth Market na bagsak presyo na ang presyo ng sibuyas at kamatis sa isinagawang inspeksyon sa naturang palengke.
Kapansin-pansin na bagsak presyo na ang kamatis na nagkakahalaga lamang ng P30 hanggang P40 ang bawat kilo na dati ay umaabot sa P180 hanggang P200; habang ang presyo ng sibuyas sa isang stall ay P60 pero ang ibang mga stall ay nagtitinda ng P170 na mas mataas sa manufacturer’s suggested retail price (MSRP).
Una rito, nagsagawa ng pag-iinspeksyon ang mga opisyal ng DA, DTI, at QC LGU sa Commonwealth Market sa QC upang matiyak na sumusunod sa MSRP ang mga tindero at tindera.
Sinuyod ng mga opisyal ng DA, DTI at LGU ang naturang palengke kung saan sangkaterbang mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang nagsilbing security o bantay sa isinasagawang pag-iinspeksyon ng dalawang ahensiya ng pamahalaan kasama ang QC LGU at iniisa-isa nilang sinusuyod ang mga stall sa naturang palengke upang masigurong tumatalima sa mahigpit na ipinatutupad na MSRP ng DTI.
Pinangunahan nina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., DTI Secretary Maria Cristina Roque at QC Mayor Joy Belmonte ang pagsasagawa ng pag-iinspeksyon sa Commonwealth Market, QC.
Bago ang pag-iinspeksyon nagpulong muna ang tatlong matataas na opisyal ng naturang mga ahensiya ng gobyerno at pinaplansta nila ang mga hakbang na kanilang gagawin
Natutuwa naman ang tatlong opisyal ng pamahalaan nang natuklasan nilang lahat ng mga tindero at tindera ay tumalima sa MSRP ng DTI.