Wednesday, September 9, 2026

Double payment at overpricing sa 2019 Sea Games cauldron, natuklasan ng NBI

Inilahad ng National Bureau of Investigation (NBI) na nakakita sila ng mga ebidensyang nagtuturo na dalawang beses binayaran ang kontrobersyal na cauldron o kaldero para sa dambuhalang sulo noong 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, lumilitaw sa kanilang imbestigasyon at sa salaysay ng dalawang bagong testigo na umabot sa ₱55 million ang idineklarang halaga nito kahit dapat ay ₱30 million lamang.

Bukod sa overpricing at double payment, patuloy rin na inaalam ng NBI ang opisyal na papel ni Senator Alan Peter Cayetano sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) dahil bagama’t walang opisyal na dokumentong naitala sa kaniya bilang chairman, may ilang papeles namang nagpapakilala sa kaniya sa naturang posisyon.

Nilinaw ng NBI na nakatutok ang kanilang pagsusuri sa mga proyekto ng PHISGOC na nakatanggap ng pondo mula sa Philippine Olympic Committee (POC), Philippine Sports Commission (PSC), at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Dahil sa mga bagong ebidensya at testigong lumabas, mas susuriing mabuti ng NBI ang mga lumang dokumento bago pormal na maghain ng mga kaukulang kaso sa hukuman.

Facebook Comments