DPWH, DAGUPAN CITY NAGSAGAWA NG PAGTALAKAY SA PANGMATAGALANG SOLUSYON SA PAGBAHA

Nagsagawa ng pagpupulong at presentasyon ang mga opisyal ng Dagupan City at Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa mga posibleng pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha sa lungsod.

‎Tinalakay sa naturang aktibidad ang Oplan Kontra Baha (OKB) ng DPWH, na isinagawa sa pangunguna ng Central Office. Pinamumunuan ang task force ni DPWH Secretary Vivencio B. Dizon, kasama sina Undersecretary Charles T. Calima bilang Task Force Commander at Director Toribio Noel L. Ilao bilang Chief of Staff.

‎Dumalo sa pagpupulong sina City Mayor Belen Fernandez, City Legal Officer Atty. Aurora Valle, City Engineer Josephine Corpuz, Sangguniang Panlungsod Secretary Ryan Ravanzo, CDRRMO Chief Ronald De Guzman at PARMC Chief Melykhen Bauzon, kasama ang iba pang opisyal at technical personnel ng DPWH Central at Regional Offices.


‎Sa pulong, ipinaliwanag ni Mayor Belen Fernandez na mas tumitindi ang pagbaha kapag nagsabay ang malakas na pag-ulan sa Dagupan at upstream areas, mataas na lebel ng ilog, dam releases at high tide.

‎Dahil dito, mas maraming tubig ang pumapasok sa lungsod habang bumabagal ang pag-agos nito palabas sa dagat.


‎Isa sa nakitang umano nilang problemang kinakaharap sa lungsod ay ang pagiging catch basin nito.

‎Dahil dito, hindi lamang umano drainage system ang dapat pagtuunan ng pansin. Kailangang suriin ang kabuuang daloy ng tubig, kabilang ang mga ilog, drainage, outfalls, dike, pumping stations, road elevation at tidal conditions.

‎Iminungkahi rin ang pagbuo ng comprehensive flood control master plan na ibabatay sa aktuwal na elevation, datos sa pag-ulan, river flow, kapasidad ng drainage at tidal conditions.
‎‎
‎Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan ng Dagupan sa DPWH upang suriin ang mga datos at mapa at matukoy ang mga kinakailangang hakbang para sa pangmatagalang pagtugon sa pagbaha. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments