Friday, July 31, 2026

Meralco, na-sermunan sa pagdinig ng Senado sa gitna ng pagtalakay sa system loss

Sinermunan ni Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo ang Meralco tungkol sa isyu ng pagtanggal ng singil sa non-technical loss na nakapaloob sa system loss.

Sa ilalim ng singil sa system loss ay nakapaloob dito ang technical loss na tumutukoy sa natural o hindi maiiwasang pagkawala ng kuryente habang ang non-technical loss naman ay tungkol sa iligal na koneksyon, jumper at meter-tampering.

Sa pagdinig ng Senado, iginiit ni Meralco Regulatory Management Senior Vice President and Head Atty. Jose Ronald Valles na para tuluyang ma-zero ang non-technical losses ay gagastos ang Meralco ng malaki sa kanilang operations at capital expenditures para sa mga dagdag na tauhan na mag-iinspeksyon at maglilibot sa mga kabahayan at sa mga poste ng kuryente para matiyak na walang nakawan ng kuryente.

Dagdag pa ng Meralco na napakagastos nito at posibleng ikarga ang malaking gastos sa taripa dahil wala namang distribution utility ang papayag na malugi.

Sinita ni Sen. Erwin ang Meralco na lumipat na lamang ng negosyo kung ayaw palang malugi nito.

Kinwestyon ni Tulfo kung bakit ipapasa na naman sa mga consumers ang gastos para sa dagdag na mga tauhan gayong dapat ay kasama ito sa pinaghahandaan ng Meralco.

Katwiran naman ng Meralco, lahat naman ng nare-recover ng kumpanya sa mga ninakaw na kuryente ay ibinabalik sa mga consumers sa pamamagitan ng pagbawas sa generation cost sa mga bill ng kuryente.

Facebook Comments