DSWD, plano na ring bigyan ng 15K cash subsidy ang mga magsasaka na maapektuhan ng El Niño phenomenon

Pinag-aaralan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mamigay na rin ng  ₱15,000 na cash subsidy sa mga magsasaka na maapektuhan ng nakaambang El Niño phenomenon.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, gagamitin nila ang mekanismo na ipinatupad sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program.

Ani Gatchalian, nakikipag-usap na sila sa  Department of Agriculture (DA) para  gawing agaran ang  implementasyon ng naturang  interbensyon.


Sa ngayon, tinatapos na ng DSWD ang distribusyon ng Sustainable Livelihood Program  cash aid para sa mga  micro rice retailers at mga sari-sari store owners na apektado ng  Executive Order No. 39 na nagtatakda ng price cap sa mga  regular at well-milled rice.

Kung sa SLP sa rice retailers, Department of Trade and Industry (DTI) ang tutukoy sa mga benepisyaryo, para sa SLP sa farmer-beneficiaries, DA naman ang maghahanda ng listahan.

Maliban sa SLP, inilunsad na rin ng DSWD ang Project LAWA, o Local Adaptation to Water Access, sa Davao de Oro, Ifugao, at Antique para tulungan ang mga komunidad na maging matatag sa magiging epekto ng matagal na panahon ng tagtuyot.

Facebook Comments