DTI, ipinatitigil ang pag-advertise ng isang heated tobacco products kasunod ng pagsasampa ng reklamo laban sa tobacco company

Pormal nang sinampahan ng reklamo at nag-issue ng preliminary order or preventive measure order ang Department of Trade and Industry (DTI) laban sa PMFTC Inc., na isang kompanyang gumagawa ng tobacco sa bansa.

Nag-ugat ang reklamo sa natanggap na sulat ng DTI mula sa isang koalisyon ng tobacco control and public health dahil sa promotional materials nang isang event na nakatakdang ganapin sa Bonifacio Global City sa Taguig bukas, kung saan ay nanghihikayat ito sa paggamit ng heated tobacco products.

Ang nasabing promotional materials ay lumabag sa Section 12 ng Republic Act No. 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act na nagbabawal sa anumang mga post, mensahe o larawan na nagpo-promote ng paggamit o pagbili ng mga heated tobacco products.

Iniutos na ng DTI sa PMFTC Inc. na agad magsagawa ng kaukulang aksyon at ipinag-uutos ng kagawaran ang agarang pag-aalis ng lahat ng digital at online advertisement, marketing material, mensahe o imahe na nagpo-promote o naghihikayat sa paggamit ng mga heated tobacco products ng kumpanya.

Hinihikayat ng DTI ang publiko na i-report agad sa kanilang opisina ang anumang mga paglabag na may kaugnayan sa R-A-11900.

Facebook Comments