
Tumugon na ang provincial government ng Batangas matapos ipatigil ng Commission on Elections (Comelec) ang pamamahagi ng ayuda sa lalawigan.
Ayon sa kanila, naipamahagi na ang ilang educational assistance sa paaralan habang ipinatigil na ang mga naka-schedule para sa hapon.
Kasabay nito, isang video naman ang kumakalat na ‘di umano ay kinakaltasan ang education assistance sa mga estudyante.
Kaya naman pinagpapaliwanag ng ilan si Batangas Governor Hermilando Mandanas kaugnay sa kumakalat na video na may milagrong nangyayari sa pamamahagi ng financial assistance sa mga scholar ng lalawigan.
Batay sa video na pinost ng Facebook page na Whamosnette, sa nakalipas na payout ng mga scholar ay mayroon ‘di umanong mga nakapuwestong dagdag tao sa counter ng kapitolyo na kaduda-duda.
Batay sa post, may P190 million na nakalaan para sa mahigit 38,000 scholars ng lalawigan o katumbas na P5,000 bawat isa.
Nasa P1,500 umano ang kickback sa scholars na katumbas ng P57 million kada taon.
Wala pang pahayag si Mandanas na tumatakbo ngayong bise gobernador ng lalawigan.
Ipinahinto muna ng poll body ang mga ayuda program sa lalawigan para maiwasang magamit sa pamumulitika.