Early child care specialization training para sa mga guro, ibabalik ng DepEd

Ibabalik ng Department of Education (DepEd) ang pagsasanay ng mga guro sa Early Child Care Specialization o ang pagtutok sa mga kindergarten.

Sa Malacañang Press Briefing, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na mas makabubuti kung may specialization sa early child care ang mga gurong magtuturo sa mga daycare center para sa mas mataas na kalidad ng edukasyon.

May module na rin aniya ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para dito kung saan maaaring magsanay at sumailalim sa certification program sa early child care kahit hindi college graduate.

Ayon pa kay Angara, target nilang ibaba sa 15 hanggang 20 ang bilang ng mga estudyante sa kada isang guro mula sa 1 is to 35, para mas matutukan ang mga ito.

Noong nakalipas na linggo ay sinelyuhan ng DepEd at Department of Budget and Management (DBM) ang joint circular para sa guidelines ng pagtatayo ng higit 300 Child Development Center sa buong bansa na nangangailangan ng mga daycare teacher.

Bagama’t aminado si Angara na may kakulangan sa mga daycare worker sa bansa, sisikapin aniya nilang magsanay ng mga potensyal na mangasiwa sa mga daycare center at itaas ang credentials ng mga guro.

Facebook Comments