Nakatanggap ng Emergency Go Bags ang mga guro sa Dagupan City kasabay ng culminating program para sa Teachers’ Day ng Schools Division Office o SDO Dagupan City.
Bukod sa pagkilala sa kontribusyon ng mga guro, binigyang-pansin sa aktibidad ang kahalagahan ng disaster preparedness, lalo na’t kabilang ang mga paaralan sa mga lugar na maaaring magsilbing evacuation center o pansamantalang kanlungan sa panahon ng kalamidad.
Layunin ng ipinamahaging Go Bags na magkaroon ang mga guro ng mga pangunahing gamit na maaaring kailanganin sa oras ng emergency.
Namahagi rin ng citron at ginger tea sa mga dumalo sa programa.
Nakiisa sa aktibidad ang mga opisyal ng Department of Education mula sa regional at city schools division offices, mga school principal, education supervisors, mga guro at kinatawan ng parents-teachers associations.
Dumalo rin ang ilang opisyal ng Dagupan City Government sa pangunguna ni Mayor Belen Fernandez.
Bahagi ang culminating activity ng paggunita sa Teachers’ Month at pagkilala sa papel ng mga guro hindi lamang sa pagtuturo kundi maging sa pagpapanatili ng kaligtasan at kahandaan ng mga mag-aaral sa oras ng sakuna.
Kasabay nito, nananatiling mahalaga ang regular na disaster preparedness training at malinaw na emergency protocols sa bawat paaralan upang maging handa ang mga guro at estudyante sa anumang uri ng emergency. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











