
Nagpadala na ang Senate Blue Ribbon Committee ng imbitasyon kay dating House Speaker Martin Romualdez para sa pagdinig bukas ng komite ukol sa katiwalian sa flood control projects.
Idinaan ang imbitasyon kay House Speaker Faustino Dy bilang kortesiya pero hinihintay pa ang tugon dito ng pamunuan ng Kamara.
Isang officer ng blue ribbon committee ang nakalagda sa imbitasyon, para sa Chairman ng komite na si Senator Pia Cayetano.
Matatandaan na inimbitahan na si Romualdez at halos 20 iba pang kongresistang idinawit sa flood controls scam noong Nobyembre ng nakaraang taon, noong chairman pa ng Blue Ribbon Committee si Senator Ping Lacson.
Kagabi ay naglabas na ng guest lists ang BRC para sa gagawing pagdinig bukas sa flood control anomalies at una sa listahan ng mga pinadadalo si Romualdez.
Naipadala na rin ang imbitasyon ng komite para sa dating 18 sundalo na nagpakilalang mga dating sundalo at mga bagmen umano ni dating Congressman Elizaldy Co na idinaan sa kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod.
Nasa mahigit 30 iba pa ang imbitado sa pagdinig bukas, kung saan kabilang sina Mark Ticsay at Paul Estrada, ang mga dati umanong tauhan ni Co na pinagkakatiwalaan sa paghahatid ng mga male-maletang kickback sa flood control gayundin si dating Bulacan DPWH Assistant District Engineer Brice Hernandez.










