Wednesday, August 5, 2026

Halos mayorya ng mga senador, naghain na ng resolusyon para bigyang parangal ang tennis star na si Alex Eala

Mayorya na ng mga senador ang naghain ng resolusyon para parangalan at batiin ng Senado ang Filipino tennis star na si Alex Eala matapos ang kanyang makasaysayang panalo sa 2026 Mubadala DC Open.

Ito ang sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian sa gitna ng pagpe-preside nito sa sesyon.

Kinumpirma naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na halos kalahati na ang mga senador na naghain ng resolusyon para pasalamatan at i-congratulate si Eala na aniya ay superstar, super hero, champion at fellow augustinian.

Kabilang sa mga naghain ng resolusyon ng pagkilala at pagbati kay Eala sina Senators Zubiri, Joel Villanueva, Mark Villar, Bam Aquino, Bong Go, JV Ejercito, Erwin Tulfo at Robin Padilla.

Sinabi ni Villar na ang tagumpay ni Eala ay patunay na world-class ang mga Pilipino at kahit kampeon na itong maituturing ay marami pa itong maaabot.

Tinawag namang “Alexandra the Great” ni Go si Eala dahil sa malaking karangalan, inspirasyon at pagmamalaking ibinigay nito sa bansa.

Dagdag naman ni Ejercito, ang pagiging inspirasyon ni Eala ay dapat magtulak para pagbutihin ng bansa ang mga sports development program.

Samantala, sinabi naman ni Villanueva na nagpakita si Eala ng disiplina, pagtatyaga, pagpapakumbaba, pagkamakabayan, at hindi matatawarang dedikasyon na nagbigay ng karangalan, pagmamalaki at inspirasyon sa buong bansa.

Facebook Comments