
Desidido ang pamahalaan na iangat ang foundational years ng mga batang Pilipino.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, ito ang dahilan kaya naglaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kailangang pondo para sa pagtatatag ng Child Development Centers sa mahihirap na munisipalidad sa bansa.
Nais aniya ni Pangulong Marcos na mapataas pa ang lebel ng edukasyon sa bansa.
Sa pamamagitan ito ng Child Development Centers na magpapatatag ng kasanayan ng mga bata sa kanilang foundational years lalo na sa Math at reading comprehension sa ilalim ng EDCOM 2.
Ang foundational years ay ang panahon kung saan hinuhubog ang mga pangunahing kasanayan tulad ng pagbasa, pagsusulat, at pag-unawa sa matematika, pati na rin ang pagbuo ng tamang asal, emosyonal na katalinuhan, at kakayahang makisalamuha.