
Nanawagan ang Malacañang sa mga kumukuwestiyon sa planong paglulunsad ng space rocket sa bansa na ibaba na ang kanilang “kilay” at huwag maging hadlang sa mga programang layuning mapaunlad ang bansa.
Ito ang naging tugon ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro matapos sabihin ni Senador Robin Padilla na bagama’t suportado niya ang plano mas dapat munang unahin ang bullet train sa Bicol.
Ayon kay Castro, sa halip na pagdudahan ang space program mas makabubuting suportahan ang mga inisyatiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil bahagi aniya ang mga ito ng pangmatagalang pag-unlad ng bansa.
Iginiit din ni Castro na tuloy-tuloy na tinutugunan ng pamahalaan ang problema ng bansa kasabay ng pagpapatupad ng iba pang programang pangkaunlaran.
Samantala, tiniyak din ng Malacañang na dadaan sa masusing pag-aaral at mahigpit na pamantayan sa kaligtasan ang planong paggamit ng nuclear energy.
Susunod aniya ang pamahalaan sa mga safety, security, at safeguards standards ng International Atomic Energy Agency (IAEA) bago isulong ang programa.










