Full implementation ng strengthened SHS program, ipatutupad sa susunod na school year

Inaasahang maipapatupad ang full implementation ng mas pinalakas na Senior High School o SHS program sa school year 2026-2027.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian, sinabi ni Education Usec. Malcolm Garma na target ang full roll out ng programa sa susunod na taon sa lahat ng higit 12,600 senior high schools.

Para naman sa taong ito, sisimulan na muna ang pilot study ng “Strengthened Senior High School Program” sa darating na pasukan kung saan lalahukan ito ng 727 pilot schools sa buong bansa.

Sa sample schools na kasama sa pilot study ng programa, 567 ang public schools habang 160 dito ay private schools kung saan 20 sa mga SHS ang matatagpuan sa mga lalawigan habang 707 naman na mga paaralan ang sa urban areas.

Sinabi ni Garma na hindi lamang ito basta pilot implementation kundi pag-aaralan din dito kung gaano kaepektibo ang mga reporma na ilalatag para mas mapahusay pa ang SHS.

Sa ilalim ng ipatutupad na curriculum program sa SHS ay layunin nitong gawing college ready ang mga magtatapos ng senior high school.

Facebook Comments