
Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang reklamong vote buying laban kay Las Piñas Rep. Camille Villar na tumatakbong senador ngayong midterm elections.
Ayon sa Committee on Kontra Bigay (CKB), tinanggap nila ang paliwanag ng kongresista na inaakusahan ng vote buying.
Sa sagot ni Villar sa ipinadalang show cause order sa kaniya, sinabi nitong nangyari ang inirereklamong insidente noong February 9 na hindi pa pasok sa campaign period na nag-umpisa noong February 11.
Nilinaw rin ni Villar sa sagot na isa itong promotional event ng ALLTV2 Network kung saan inimbitahan lamang siya bilang guest.
Bago niyan, lumabas kasi sa mga post sa social media na nangyari ito noong February 16.
Ayon sa CKB, sapat na ang paliwanag ng kongresista at dahil dito ay hindi na itutuloy ang paghahain ng reklamong election offense at petition for disqualification.