Dahil sa masamang panahon, hirap ngayon ang mga manlalako, partikular ang mga nagtitinda sa harap ng pamilihan sa Lingayen.
Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay Rochelle Reyes, isa sa mga manlalako sa lugar, hindi nila inaasahan ang pinsalang kanilang sinapit.
Tinangay ng malakas na hangin ang kanilang mga tolda na nagsisilbing proteksyon sa kanilang mga paninda, dahilan upang mabasa at masira ang ilan sa mga ito.
Dagdag pa ni Reyes, malaking hamon para sa kanila ang ganitong sitwasyon dahil tuwing Sabado at Linggo lamang sila nagtitinda, hindi gaya ng mga may permanenteng puwesto sa loob ng pamilihan.
Dahil dito, nananawagan ang mga manlalako sa mga kinauukulan na sana ay mabigyan sila ng ayuda o anumang tulong na maaaring magamit bilang puhunan upang makapagsimulang muli at mabawi kahit bahagi ng kanilang nalugi dahil sa mga panindang nasira at nabulok bunsod ng masamang panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








