GM Siquian ng ISELCO-2, Damay ang Pangalan sa Palce Slay Case

739
Cauayan City, Isabela- Kasama rin sa isinampang kaso sa City Prosecutor’s Office si ISELCO-2 General Manager David Solomon Siquian matapos mabanggit ang kanyang pangalan ng dalawang nahuling gunmen sa pagbaril-patay sa Internal Audit Manager ng kooperatiba na si Agnes Palce noong hapon ng May 25, 2022.

Ayon nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, apat ang sasampahan ng kasong murder kasama ang umano’y dalawang gunmen na sina Barry Bulan, 43-anyos, na mismo umanong bumaril at Jervy Bulan, 36-anyos na siya namang taga-maneho ng motorsiklong gamit sa krimen, pawang mga residente ng Brgy. Calamagui 1st, City of Ilagan, Isabela.

Idinawit rin sa kaso ang umano’y nagpakamatay na si ISELCO-2 Board of Director na si Michael “Mike” Paguirigan matapos tukuyin ng dalawang suspek na ang kanilang tiyuhin ang siyang mastermind sa krimen.

Sa salaysay pa ni Barry Bulan ay nabanggit umano ng nagpakamatay na si Board of Director Paguirigan na galit umano si Manager Siquian kaya kailangan nang iligpit ang biktima.

Magugunitang noong Mayo 25 ay binaril ng riding-in-tandem si Ginang Palce na noon ay sakay sa kanyang Toyota Innova sa isang gasolinahan sa San Felipe, City of Ilagan.

Si Ginang Palce ay asawa ni Judge Ariel Palce ng Regional Trial Court City of Ilagan.



Samantala, tumanggi namang sagutin ni General Manager Siquian ang paanyayang siya ay makakapanayam sa kadahilanang ikokonsulta muna siya sa kanyang abogado.

Si Board of Director Paguirigan naman ay nabalitang nagpakamatay kaninang umaga at sinasabing tiyuhin mismo ng umano’y riding in tandem na sina Barry at Jervy Bulan.

Facebook Comments