Naghahanda ang PAMANA Water sa Dagupan City sa posibleng epekto ng El Niño upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig at maayos na serbisyo sa kanilang mga konsyumer.
Ayon kay Carol Lynne Gadon, Customer Service Manager ng PAMANA Water, kabilang sa kanilang mga pangunahing hakbang ang pagtitiyak na matutugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer sa kabila ng posibleng epekto ng matinding tagtuyot.
Tiniyak din ni Gadon na nakahanda ang kanilang tanggapan na agarang tumugon sa anumang aberya sa serbisyo.
Magbibigay rin umano sila ng mga abiso sa pamamagitan ng kanilang opisyal na Facebook page upang agad na maipaalam sa publiko ang anumang problema o pagbabago sa suplay ng tubig.
Samantala, binigyang-diin din ng PAMANA Water ang mga hakbang nito upang maiwasan ang pandaraya sa mga water meter at matiyak na naaayon sa aktuwal na konsumo ang singil sa mga kliyente.
Dagdag ni Gadon, regular na iniinspeksiyon ng kanilang tanggapan ang mga metro ng tubig upang matiyak ang wastong pagsukat ng konsumo at mapanatili ang transparency sa paniningil.
Sa harap ng inaasahang hamon sa suplay ng tubig dulot ng El Niño, patuloy na isasagawa ng PAMANA Water ang mga kinakailangang paghahanda upang matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer at mapanatili ang maayos na serbisyo sa Dagupan City. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








