HALAGA NG BAWAT FAMILY FOOD PACK, NILINAW NG DSWD; KARAGDAGANG SUPLAY SA REGION 1, TINANGGAP NG DSWD RO1

₱797.80 lamang ang halaga ng bawat kahon ng prepacked Family Food Pack (FFP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), taliwas sa isang social media post na nagsasabing umaabot umano sa ₱1,503.84 ang presyo ng bawat kahon.

‎Ayon sa DSWD, ang ₱1,503.84 na itinakdang halaga kada kahon ay maximum price lamang na maaaring ialok ng mga interesadong bidder o supplier sa isinagawang procurement process.

‎Dumadaan sa competitive bidding ang procurement ng DSWD para sa family food packs. Sa proseso, ang bidder na may lowest price bid offer at nakatutugon sa itinakdang specifications at iba pang requirements ang idinedeklarang bid winner.


‎Kasama na sa halagang ₱797.80 bawat kahon ang delivery cost at manpower, bukod sa mga laman at packaging materials ng family food pack.

‎Samantala, patuloy naman ang DSWD Field Office 1 sa paghahanda at pagdadagdag ng relief supplies para sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.

‎Noong August 30, tumanggap ang DSWD Field Office 1 ng karagdagang 17,150 family food packs sa regional warehouse nito sa Barangay Biday, San Fernando City, La Union.

‎Dagdag na relief stocks ito ng ahensya para sa mga lugar na nangangailangan.


‎Tumulong sa pagbaba at pagsusuri ng mga food packs ang 26 na tauhan ng DSWD Field Office 1 at 21 augmentation personnel mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) upang matiyak na kumpleto at maayos ang mga suplay bago ang kanilang deployment.

‎Dumating ang karagdagang food packs matapos mamahagi ang DSWD FO1 ng humigit-kumulang 450,000 food at non-food items sa iba’t ibang local government units (LGUs) noong August 28.

‎Bahagi ang mga pamamahaging ito ng patuloy na disaster response operations ng DSWD kasunod ng epekto ng Habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments