Isa sa mga nagpakita ng katapatan si John Joseph Bacus matapos niyang mapulot ang isang cellphone sa bayan ng Aguilar, Pangasinan.
Sa halip na angkinin ang gamit, agad niya itong isinuko sa Aguilar Municipal Police Station upang matulungan itong maibalik sa tunay na may-ari.
Sa Binmaley naman, isang pitaka ang napulot ni PCMS Richard C. Doria ng Binmaley Municipal Police Station. Hindi rin niya ito piniling angkinin at sa halip ay agad na isinagawa ang kinakailangang hakbang upang maibalik ito sa may-ari.
Maaaring maliit lamang sa paningin ng iba ang isang cellphone o pitaka, ngunit para sa taong nawalan nito, malaking bagay ang muling pagkakamit sa isang gamit na mahalaga sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Higit pa sa naibalik na mga gamit, nagsilbing paalala ang dalawang insidente na ang tunay na kabutihan ay nasusukat sa mga simpleng desisyong ginagawa kahit walang nakakakita.
Sa panahong maraming tao ang nakararanas ng hirap at pangamba dahil sa kalamidad at patuloy na pag-ulan, pinatunayan nina Bacus at Doria na may mga taong pipiliing maging tapat kaysa samantalahin ang pagkakataon.
Dahil ang bagay na napulot ay hindi laging biyaya para sa nakakita nito. Minsan, ito ay isang pagkakataon upang ipakita ang katapatan, malasakit at tunay na serbisyo sa kapwa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








