HEALTH PATROL NG BARANGAY BONUAN BINLOC, PINAIGTING ANG SERBISYONG PANGKALUSUGAN SA PAMAMAGITAN NG HOUSE-TO-HOUSE VISITS

Patuloy na inilalapit ng Barangay Bonuan Binloc ang serbisyong pangkalusugan sa mga residente sa pamamagitan ng regular na “Health Patrol,” kung saan nagsasagawa ng house-to-house visits upang masubaybayan ang kalagayan ng mga residente.

Pinangungunahan ng Barangay Nurse, kasama ang mga Barangay Health Workers (BHWs) at Barangay Population Workers (BPWs), ang lingguhang pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng barangay upang matukoy ang mga nangangailangan ng agarang serbisyong medikal at pangkalusugan.

Sa pinakahuling Health Patrol, anim na pasyente ang nabigyan ng home visit. Kabilang sa mga serbisyong isinagawa ang pagsusuri ng kalagayang pangkalusugan, pagkuha at pagtatala ng vital signs, pagmonitor ng iniinom na maintenance medications, pagbibigay ng health education, at pagre-refer sa mga pasyenteng nangangailangan ng mas masusing konsultasyon.

Nagsagawa rin ng postpartum visit para sa isang bagong panganak na ina, kasabay nito, minonitor din ang blood pressure ng mga residente bilang bahagi ng kampanya laban sa hypertension at iba pang sakit na may kaugnayan sa altapresyon.

Samantala, dumalo rin ang ilang Barangay Health Workers at Barangay Nurses ng Bonuan Binloc sa Community-Based Surveillance Roll Out Training na layong palawakin ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pagbabantay sa kalagayang pangkalusugan ng komunidad upang higit pang mapahusay ang paghahatid ng tama at maagap na serbisyong medikal sa mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments