Target na maipabukas sa Setyembre ang pansamantalang tulay habang nasa ilalim pa ng pagbabantay sa konstruksyon ang Wawa Bridge sa Bayambang kasunod ng mabagal umanong usad ng proyekto.
Ang nakatakdang pagbubukas ng pansamantalang tulay ay para mabawasan ang abala sa mga motorista at komyuter.
Noong Hunyo 29, 2026, ipinatawag ni Mayor Niña Jose-Quiambao si Project Engineer Rafael Catbagan ng Wawa Bridge para ihayag ang pagkadismaya ng pamahalaang bayan sa mabagal umanong progreso ng konstruksyon at humingi ng pinakabagong ulat kaugnay ng proyekto matapos ang mga pagbabagong ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Engr. Catbagan, inaasahang mabubuksan sa Setyembre ang temporary Wawa Bridge, na maaaring daanan ng mga sasakyang may bigat na hanggang walong tonelada, kabilang ang mga pampublikong bus. Inaasahang makatutulong ito upang mapagaan ang daloy ng trapiko habang isinasagawa ang pagtatayo ng permanenteng tulay.
Magpapatuloy naman umano ang pakikipag-ugnayan ng LGU sa DPWH para tiyakin na matutupad ang target na pagbubukas ng temporary bridge sa itinakdang panahon at mapabilis ang pagkumpleto ng permanenteng tulay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








