Isinailalim na sa State of Calamity ang Dagupan City kasunod ng malawakang pagbaha na nakaapekto na sa mahigit 90,000 residente sa lungsod.
Batay sa CDRRMO Situational Report No. 15, umabot na sa 90,015 indibidwal o 22,047 pamilya mula sa 31 barangay ang apektado ng pagbaha.
Sa 31 barangay ng lungsod, 23 ang patuloy na nakararanas ng pagbaha, habang nananatiling nakaalerto at nakadeploy ang mga rescue team, health workers, barangay responders at iba pang frontliners para sa relief at emergency operations.
Dahil sa banta ng patuloy na pagtaas ng tubig, 65 pamilya o 202 indibidwal ang nagsagawa ng pre-emptive evacuation at pansamantalang nanunuluyan sa anim na evacuation centers.
Apektado rin ang paggalaw sa ilang bahagi ng lungsod dahil may mga pangunahing kalsadang hindi na madaanan ng mga light vehicle bunsod ng mataas na tubig-baha.
Umabot na rin sa pitong magkakasunod na araw ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas dahil sa masamang panahon at pagbaha.
Dahil sa lawak ng epekto ng kalamidad, inirekomenda ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) ang pagdedeklara ng State of Calamity, na inaprubahan naman ng Sangguniang Panlungsod.
Sa ilalim ng deklarasyon, maaaring mapabilis ang paggamit ng mga kinakailangang pondo at resources ng lokal na pamahalaan para sa relief operations, emergency response, rehabilitation at iba pang agarang pangangailangan ng mga residenteng apektado ng pagbaha.
Kasabay nito, umiiral ang mga mekanismo para sa price control sa basic necessities sa ilalim ng mga umiiral na batas, habang paiigtingin ang pagbabantay laban sa overpricing, profiteering at hoarding habang nasa ilalim ng State of Calamity ang lungsod.
Patuloy namang pinapayuhan ang mga residente, lalo na sa mga mabababang lugar, na manatiling alerto at sumunod sa abiso ng mga awtoridad sakaling kailanganin ang paglikas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










