
Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang iba’t ibang aktibidad ng pamahalaan para sa pagdiriwang ng ika-127 taong Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong araw.
Alas-7:00 nang umaga mamaya ay pangungunahan ng Pangulo ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas at wreath-laying ceremony sa monumento ni Gat. Jose Rizal sa Rizal Park o Luneta, Maynila.
Sabay-sabay itong gagawin sa buong bansa, partikular sa mga ahensya at gusali ng pamahalaan at lahat ng embahada ng Pilipinas.
Gaganapin din ang Parada ng Kalayaan sa Quirino Grandstand, Rizal Park at sa harap ng Cultural Center of the Philippines (CCP) dakong 7:30 nang umaga.
Pagdating naman ng alas-5:00 nang hapon ay pangungunahan ng Pangulo tradisyunal na Vin D’Honneur o Wine of Honors sa Malacañang na inaasahang dadaluhan ng ilang opisyal ng gobyerno, at iba pang personalidad.