Friday, July 31, 2026

Kickback sa mga maanomalyang infra projects sa Taguig, umaabot ng 33% —Lacson

Isiniwalat ni Senator Ping Lacson na umaabot sa 33% ang sistema ng kickback sa mga ma-anomalyang infrastructure projects sa Taguig City.

Sa nakalap na ebidensya ng grupo ni Lacson, sa 33%, 10% dito ay para sa “principal”, 2% para sa “boys” at 6% ang para sa Bids and Awards Committee (BAC) kasama pa rito ang tig-3% para sa mga BAC members at mga contractors na lumahok sa bidding.

Bukod dito, ang hiwalay na 15% ay napupunta umano kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na nahaharap ngayon sa kasong plunder at graft sa Sandiganbayan.

Sinabi pa ni Lacson na natuklasan din nila na ang pagbagsak ng pondo sa Taguig ay pre-determined o alam na agad kung sino ang contractor.

Tinukoy din niya na kontrolado ni Senate minority leader Alan Peter Cayetano ang DPWH at mga district engineers sa lungsod na hindi makakakilos kung walang pag-apruba niya o kaya naman ay matatanggal sa pwesto kapag hindi sumunod.

Nagsumite rin sa media ng ilang larawan si Lacson na nagpapakita ng ilang proyekto sa Taguig na paulit-ulit na ginamit ang larawan para sa billing at koleksyon na binago lang ang petsa at ilang detalye ngunit nananatiling pareho ang DPWH geotagging data.

Naririyan din ang dobleng pondo para sa iisang proyekto at magkakapatong na saklaw na slope protection project tulad ng proyekto sa kahabaan ng Taguig River.

Binigyang-diin pa ni Lacson ang ugnayan ni Cayetano sa mga Discaya dahil ang mga contractor ng mga proyekto sa Taguig ay pagmamay-ari ng mga Discaya kabilang ang Topnotch Catalyst Builders ni Eumir Villanueva; Core Check; Tuchar at Dahl.

Facebook Comments