
Hindi pinayagan ng Manila Police District (MPD) ang iba’t ibang grupo na nagkikilos-protesta na makalapit sa Mendiola.
Ito’y kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day kung saan nasa daan-daang indibidwal ang nakiisa sa kilos protesta.
Mula Liwasang Bonifacio at España, naglakad ang mga nasabing grupo patungo ng Mendiola pero pagsapit ng tapat University of the East ay hindi na sila nakalagpas sa barikada ng mga pulis.
Kanilang ipinanawagan ang taas sahod kung saan nararapat lamang na itakda sa P1,200 ang daily minimum wage.
Paliwanag ng mga representante ng kada grupo, hindi na talaga kakayanin ang kasalukuyang sweldo ng mga ordinaryong manggagawa lalo na’t patuloy na tumataas ang mga bilihin.
Gumawa rin sana ng hakbang ang pamahalaan para tulungan maiangat ang pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino upang makaahon naman sa kahirapan.