Tuesday, August 18, 2026

Ilang ospital sa Maynila, pansamantalang sarado ang Outpatient Department

Pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng Outpatient Department (OPD) ng ilang ospital sa Maynila ngayong araw bunsod ng patuloy na sama ng panahon at pagbaha na dulot ng habagat.

Unang nag-abiso ang Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC), kung saan sarado ang kanilang OPD bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga pasyente at medical personnel, at inaasahang magpapatuloy ang regular na serbisyo nito bukas.

Naglabas din ng abiso ang Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) na pansamantalang isinara ang OPD, habang bukas naman ang kanilang Emergency Room (ER), inpatient services at iba pang mahahalagang serbisyo ng ospital.

Sa Pres. Corazon C. Aquino General Hospital sa Baseco, pansamantala ring sinuspinde ang lahat ng serbisyo ng OPD alinsunod sa ipinatutupad na alternative work arrangement dahil sa masamang panahon.

Gayunman, mananatiling bukas ang ER at Leptospirosis Fast Lane ng ospital nang 24 oras para sa mga nangangailangan ng agarang atensiyong medikal.

Ang mga administrative office ng Aquino General Hospital ay bukas hanggang tanghali upang maasikaso ang mga discharge at PhilHealth processing.

Ang Ospital ng Sampaloc (OSSAM) ay bukas ang OPD hanggang alas-12:00 ng tanghali at magpapatuloy ang serbisyo gamit ang skeletal staff.

Para naman sa iba pang emergency, maaaring direktang magtungo sa pinakamalapit na emergency room ng LGU hospital na patuloy na nagbibigay ng 24-oras na serbisyo.

Facebook Comments