MANGALDAN WATER DISTRICT, NANAWAGAN MATAPOS ANG UMANO’Y PAGDAMI NG NINANAKAW NA WATER METER

Naglabas ng public advisory ang Mangaldan Water District (MWD) kasunod ng umano’y pagdami ng mga insidente ng pagkawala at pagnanakaw ng mga water meter sa iba’t ibang bahagi ng bayan.

Ayon sa MWD, nakatanggap na ang kanilang tanggapan ng ilang ulat mula sa mga konsyumer na nawalan ng water meter, na nagdulot ng abala sa suplay ng tubig at karagdagang gastos sa pagpapalit ng mga ito.

Dahil dito, nanawagan ang Water District sa publiko na agad iulat sa Mangaldan Municipal Police Station, sa kanilang barangay, at sa tanggapan ng MWD ang anumang kahina-hinalang aktibidad o insidente ng pagnanakaw upang agad na maaksyunan.

Hinikayat din ng ahensya ang mga residente na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa kanilang komunidad upang maiwasan ang pagdami ng ganitong uri ng krimen.

Nagpaalala rin ang MWD na labag sa batas ang pagbili, pag-iingat, o pagbebenta ng mga nakaw na water meter. Sa ilalim ng Presidential Decree No. 1612 o Anti-Fencing Law, maaaring managot ang sinumang mapatutunayang bumibili o nakikipagkalakalan ng mga nakaw na kagamitan.

Ayon sa Water District, maaaring patawan ng pagkakakulong, multa, at iba pang kaukulang parusa ang mga lalabag alinsunod sa umiiral na batas.

Patuloy ngayong hinihikayat ng Mangaldan Water District ang mga residente na maging mapagmatyag at agad na iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang kilos upang mapigilan ang patuloy na umano’y pagnanakaw ng mga water meter sa bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments